Kampanya Kontra Sunog at Sakuna: BFP Titay Umaabot sa mga Malayong Barangay
, , , ,

.

.

Kampanya Kontra Sunog at Sakuna: BFP Titay Umaabot sa mga Malayong Barangay

Spread the love

TITAY, Zamboanga Sibugay, Agosto 11–14, 2026 — Isinagawa ng Titay Municipal Fire Station (MFS) ang Kampanya Kontra Sunog at Sakuna mula Agosto 11 hanggang 14, 2026, upang maabot ang mga malalayong barangay ng Titay na hindi madaling naaabot ng regular na fire safety at emergency preparedness services, sa pakikipagtulungan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Sa kabila ng mahahabang biyahe at mapanghamong terrain patungo sa mga liblib na barangay, hindi natinag ang mga firefighter sa kanilang hangaring maihatid ang serbisyo sa bawat komunidad. Para sa kanila, ang layo ng isang barangay ay hindi dahilan upang hindi maihatid ang serbisyong nararapat para sa bawat Titayanon.

Sa isinagawang kampanya, itinuro sa mga residente ang fire prevention at firefighting techniques, basic first aid, rescue techniques, at disaster preparedness. Higit pa sa isang lecture, naging pagkakataon din ito upang magkaroon ng direktang ugnayan ang BFP at ang mga komunidad, makinig sa kanilang pangangailangan, at bumuo ng tiwala at malasakit sa isa’t isa.

Sa ilang barangay, may mga residenteng nagsabi, “Karon rajud mi na laagan ug bumbero, Sir,” at “Nagtuo mi nga sunog ra ang trabaho sa bumbero, Sir.” Ang mga salitang ito ay nagsilbing mahalagang paalala na marami pa ring komunidad ang walang sapat na kaalaman tungkol sa malawak na mandato ng Bureau of Fire Protection.

Para sa Titay MFS, ang mga pahayag na ito ay hindi lamang simpleng komento. Ito ay isang panawagan upang mas ilapit pa ang serbisyo sa mga tao. Ang tungkulin ng modernong bumbero ay hindi lamang pag-apula ng apoy, kundi pati pagliligtas ng buhay, emergency medical response, rescue, disaster preparedness at pagbibigay ng kaalaman na maaaring maging sandata ng komunidad bago pa man dumating ang responders.

Mahalaga rin ang kampanya bilang pagkakataon upang makilala ng BFP ang komunidad at makilala rin ng komunidad ang kanilang mga bumbero. Sa bawat pagbisita, nabubuo ang rapport, tiwala, at mas matibay na ugnayan na mahalaga sa panahon ng sakuna.

Ang pakikipagtulungan ng DSWD ay nagbigay-daan upang mas maraming komunidad ang maabot at mas mapalawak ang paghahatid ng serbisyo. Ipinahayag ng Titay MFS ang pagpapahalaga nito sa partnership at ang hangaring maipagpatuloy ang mga ganitong programa sa hinaharap.

Sa bawat malayong barangay na nararating, isang mensahe ang nais ipabatid ng Titay MFS: Hindi hadlang ang layo para maihatid ang serbisyo. Hindi hadlang ang hirap ng daan para makapagligtas ng buhay.

Dahil ang tunay na serbisyo ay hindi lamang nasusukat sa kung gaano kabilis makapunta ang responders sa isang insidente, kundi sa kung gaano kalayo ang kanilang handang marating upang ihanda ang komunidad bago pa dumating ang sakuna.

Malayo man ang barangay, malapit sa serbisyo. Walang komunidad na maiiwan.